Drug-free barangays sa Vizcaya, makakatanggap ng P100,000 bilang insentibo

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Disyembre 2 (PIA) - Handa na ang pondo para sa pagbibigay ng drug clearing incentive sa mga barangay sa lalawigan.

Ayon kay Gov. Carlos Padilla, sisimulan na ng PLGU ang pagbibigay ng P100,000 insentibo sa mga barangay na madedeklarang drug-free ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

"Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ang pondo para sa drug clearing incentive fund sa mga barangays ng Nueva Vizcaya kaya't hinihikayat natin ang mga barangay na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga," pahayag ni Padilla.

Ayon pa sa kanya, ibibigay na ito sa ilang barangay na nadeklarang drug-free ng PDEA, PNP at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ang nasabing drug clearing incentive fund ay ipinangako ng gubernador noong 2019 upang maging inspirado at mapalakas ang kampanya ng mga barangay laban sa iligal na droga.

Ipinahayag ito ng gubernador sa joint meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti Drug Abuse Council (PADAC) at NTF-End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) kahapon sa Pasalubong Center sa bayang ito.(MDCT/BME/PIA 2-Nueva Vizcaya)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments