-LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 2 (PIA) -- Makatatanggap ang karagdagang 13,886 residente ng lungsod na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng kanilang second month cash payout mula sa first tranche sa mga susunod na araw.
Ito ay batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan hinggil sa pamamahagi ng SAP sa mga mamamayan ng Caloocan.
"Umaasa po tayo na tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng DSWD sa SAP. Tulad ng alam natin, ang SAP ay proyekto ng pamahalaang nasyonal upang makatulong sa mga apektado ng pandemya at tayo naman sa Pamahalaang Lungsod ay tumutulong lamang sa DSWD sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang manpower," ani Mayor Oca Malapitan sa kanyang Facebook.
"Kailan man ay hindi dumaan sa atin ang mga pinansyal na tulong at diretso ito na ipinamamahagi ng DSWD sa mga tao," paliwanag ni Mayor Oca.
"Lubos din akong nagpapasalamat sa pamahalaang nasyonal– kay Presidente Rodrigo Duterte at sa DSWD para sa kanilang tulong sa mga mamamayan ng Caloocan," dagdag pa niya.
Payo ng lokal na pamahalaan, ibibigay sa barangay ang listahan ng mga pangalan ng mga kasama sa pay-out kasama ng cash reference number at nakatakdang schedule ng pagkuha sa anumang branch ng MLhuillier. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments