LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 2 (PIA) -- Walang iwanan sa laban sa COVID-19, 'yan ang binigyang-diin ni Mayor Abby Binay nitong Martes, Disyembre 1, sa kanyang maagang Christmas message sa mga mamamayan ng Makati.
Sa pamamagitan ng Facebook, inihatid ni Mayor Abby ang kanyang mensahe ng pag-asa para sa mga taga-Makati na sumisentro sa bayanihan sa gitna ng pandemya.
"Hindi kami titigil sa pagbibigay ng mga programang magsusulong sa inyong mabuting kalusugan at magandang kinabukasan. Higit sa lahat, hindi namin kayo iiwan hanggang matapos ang laban natin sa pandemya," ani Binay.
"Hindi man tayo magkakasama ngayong pasko kagaya ng ating nakagawian, makakaasa kayo na sa puso’t isipan ko, pangunahin ang inyong kaligtasan at kapakanan," dagdag pa niya.
Magugunitang maliban sa pagbibigay ng taunang Pamaskong Handog sa mga residente ng lungsod, nitong mga nakalipas na buwan ay naging abala rin ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng iba't ibang klase ng ayuda, pati sa mga nagnenegosyo sa Makati, para mas mapagaan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
"Mula sa akin, kay Vice Mayor Monique Lagdameo at sa buong konseho ng Makati, ang aking taos-pusong pagbati, Maligayang Pasko at Manigong Bagong taon!" (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments