'Ituloy natin ang bayanihan' Pamaskong mensahe ni Mayor Len sa mga taga-Malabon

                       Punong Lungsod Antolin "Len Len" Aquino Oreta lll  ng Malabon

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 2 (PIA) -- Sa kabila ng hamon ng COVID-19 pandemic, binigyang-diin ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ay malalampasan ng lungsod ang pandemya.

"Ituloy natin ang bayanihan na ating nasimulan at patuloy nating mas patatagin ang samahang nabuo natin bilang isang Pamilyang Malabonian," ani Mayor Lenlen.

Aniya, "kakaiba" ang hamon na hatid ng COVID-19 na bukod sa mapanganib sa buhay ay mabilis din na makahawa.

"Tunay ngang kakaiba ang pagsubok na dala sa atin ng taon na ito. May mga buhay na inalay at sakripisyo na ibinigay para sa kaligtasan ng bayan," aniya.

Ginamit din niya ang pagkakataon upang pasalamatan ang mga medical at health frontliners, pati na rin ang mga local government officials at employees na nagsakrepisyo para labanan ang coronavirus.

Gayundin, taos-puso nitong pinasalamatan ang mga guro na "nagpapakahirap" na turuan ang mga mag-aaral ng lungsod.

Hindi rin pinalampas ni Mayor Lenlen na magbigay-pugay sa mga streetsweeper at basurero na nagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at nagbibigay ng "malaking serbisyo sa lipunan."

Bukod pa sa naturang public health emergency, kinaharap din ng Malabon at ng mga residente nito ang bangis at hagupit ng mga nagdaang supertyphoon at bagyo.

"Maraming problema rin ang di inaasahang dumating ngunit nalagpasan natin sa pamamagitan ng pagdarasal at pagtutulungan," giit ni Oreta.

"Marami man sa atin ang nawalan ng mahal sa buhay, ang mahalaga ay kasama pa rin natin sila sa puso at isip ng isa't isa," aniya.

"Kaya ngayong panahon ng bagong pag-asa at pagbi-bigayan, ituloy natin ang Pasko, Malabonians!"

"Have a safe and healthy Christmas season ahead, mga Malabonian!" (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments