Duterte, hinimok ang PhilHealth na ipagpaliban muna ang dagdag sa kontribusyon ngayong taon

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 5 (PIA) -- Hinimok ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na ipagpaliban muna ang pagtataas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito na nakatakdang ipatupad ngayong 2021.

“May I suggest to PhilHealth President Dante Gierran na huwag na muna ngayon. No increase in the contribution,” saad ng Pangulo sa kanyang regular na public briefing.

Ayon sa Pangulo, tungkulin ng pamahalaan na maghanap ng kaukulang pondo na tutugon sa kakulangan ng PhilHealth upang hindi na maging dagdag pa na pasanin sa mga miyembro nito ang mas mataas na bayad sa kontribusyon.

“I will look for money as it is the job of the government to make life easy for its constituents at this time of life,“ aniya.

Una nang ipinahayag ng PhilHealth ang pagdadagdag ng buwanang kontribusyon ng 3.5% upang matugunan ang mga serbisyo medikal nang maraming nagkakasakit lalo na yaong mga apektado ng COVID-19.

Ito naman ay inalmahan ng mga mamamayan lalo na ang mga nawalan ng trabaho, nabawasan ang kita, at hirap nang itawid ang kanilang mga konting naiipon dahil sa COVID-19 pandemic.

Anila, magiging pahirap pa ang anumang dagdag at panibagong gastos para malabanan ang public health emergency na dulot ng COVID-19. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments