P200M pondo, inilaan ng Mandaluyong para sa bakuna laban sa COVID-19

Si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos habang pinupulong kahapon ang  COVID-19 cluster comittee upang tiyaking magkakaroon ng sapat na bakuna laban sa COVID-19 ang lahat ng mamamayan sa lungsod. (Larawan mula sa Mandaluyong PIO)

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 5 (PIA) - - Naglaan ng P200 milyon ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong para sa procurement ng bakuna laban sa COVID-19 upang maseguro ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan laban sa sakit na dulot ng virus.

Pinulong ni Mayor Menchie Abalos kahapon (Enero 4) ang binuong komite na naatasang mangangasiwa sa COVID-19 vaccine na kukunin ng lungsod upang tiyakin na magkakaroon ng sapat na bakuna para sa lahat ng mamamayan ng Mandaluyong.

Mahigpit na bilin ng alkalde COVID-19 cluster committee na siguruhin ang maayos na sistema sa pagbabakuna.

Ayon sa alkalde, ang inilaang pondo ng pamahalaang lungsod ay karagdagan sa bakunang ibibigay ng national government sa 60 porsiyento ng kanilang populasyon.

Nangako naman si Abalos na kanilang susundin ang mga panuntunan sa pagbili at paggamit ng bakuna na ipinatutupad ng pamahalaang nasyunal.

Samantala, nanawagan si Abalos sa mga punong barangay ng lungsod na magsumite ng kani-kanilang F1 form o dokumentong may datos ng mga bibigyan ng bakuna.

 “Ayokong mahuli tayo. Wala pang nagsusumite ng hinihingi kong mga datos. Hindi tayo puwedeng bumili ng kulang o sobra dahil ayokong may maiiwanang Mandaleño sa bakunang pananggalang sa COVID-19, at ayoko ring magsayang ng pondo,” diin ni Abalos. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments