
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Enero 27 (PIA) -- May kabuoang halagang P10,042,865 ang pakikinabangan ng 2,161 na mga manggagawa sa lalawigan mula sa proyektong Tulong Panghanap Buhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Mimaropa .
Ayon kay Ma. Lesly I. Romero ng DOLE Mimaropa, bago ang pagsasagawa ng trabaho, ang mga benepisyaryo ay sumailalim sa oryentasyon kamakailan tungkol sa health at safety protocols, gayundin ang pagsasagawa ng mga kaukulang dokumento na dapat isumite sa DOLE para sa pagproseso ng kanilang sweldo.
Ang pagsasagawa ng oryentasyon ay base sa Department Order No. 173-17 ng DOLE na tumutukoy sa mga panuntunan ng Department of Labor and Employment Integrated Livelihood and Emergency Program (DILEEP).
Tulad noong mga nakaraang taon, ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay magtratrabaho sa kanilang mga komunidad gaya ng paglilinis sa kanilang mga barangay, pag-declog ng mga canal, pag-aayos ng mga pampublikong istruktura, at iba pang mga katulad na gawain sa loob ng 10 hanggang 15 araw lamang.
Ayon sa DOLE, ang mga benepisyaryo ay tatanggap ng P3,200-P4,800 base sa minimum wage na ipinatutupad ng DOLE sa mga bayan na kung saan nabibilang ang isang manggagawa. Ito ay matatanggap sa pamamagitan ng remittance centers na matatagpuan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Samantala, sa pahayag ni DOLE Mimaropa Regional Director Atty. Joffrey M. Suyao, ipinaliwanag niya ang tungkol sa bagong variant ng COVID-19 na mas mabilis makahawa kumpara sa naunang variant ng coronavirus. Aniya, sa pamamagitan ng proyektong TUPAD na aabot sa P4,800 na matatanggap ng bawat isang benepisyaryo ay makakatulong para sa kanila upang kahit papaano ay makabangon at makatulong ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Suyao, ang TUPAD sa ilalim ng Bayanihan 2 ng gobyerno ay isang safety net na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa mula sa informal sector, lalo't higit sa mga pamilyang walang malaking kinikita at naapektuhan ang kabuhayan dulot ng pandemyang COVID-19. (LTC/PIA-OrMin)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments