LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur, Pebrero 3 -- Plano ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Surigao del Sur na bumili ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) para sa mga mamamayan nito. Ito ang kinumpirma ni Dr. Eric Montesclaros, hepe ng Provincial Health Office (PHO) nitong lalawigan sa panayam ng Radyo Pilipinas – Tandag.
Ayon pa kay Dr. Montesclaros, hinihintay nalang nila ngayon na mabigyan nang pahintulot ang mga local government units o LGU na makabili ng bakuna direkta mula sa mga manufacturer nito.
Hindi pa daw pinapayagan ang mga LGUs na makabili ng nasabing bakuna dahil prayoridad muna sa ngayon ng pamahalaan ang ibang mga lugar sa bansa na mataas ang kaso ng COVID 19.
Sa ngayon, may limang rehiyon na nasa unang prayoridad umano ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna lalo na ang mga rehiyon ng NCR, Region 3, Region 4-A, Cebu at Davao. Maliban dito, siniseguro din naman na maipatutupad ang prioritization sa mga mabakunahan lalo na ang mga frontliners.
Gayunpaman, nilinaw ni Dr. Montesclaros na magpapatuloy pa rin ang pagpapatupad sa minimum public health and safety standards laban sa COVID 19 kahit na magkakaroon na ng bakuna ang lalawigan at maumpisahan na ang vaccination program para dito. (Raymond Aplaya - DXJS RP-Tandag/PIA Surigao del Sur)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments