Tagalog News: Gatchalian nagboluntaryo rin mabakunahan ng CoronaVac kontra COVID-19

Kung mapagbibigyan sa kanyang hiling, nais din mabakunahan ni Senator Win Gatchalian ng CoronaVac vaccine galing China dahil sa kanyang tiwala sa bakuna kontra COVID-19 na aprubado ng pamahalaan. (Ipinadalhang larawan)

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 2 (PIA) -- Nagboluntaryo rin ngayong araw si Senator Win Gatchalian na mabakunahan ng CoronaVac na gawa ng kumpanyang Sinovac na base sa Beijing, China sakaling marapatin sa ilalim ng prioritization framework ng gobyerno para sa pangkalahatang pagbabakuna laban sa coronavirus.

“Alam ko may prioritization tayo ngayon. Kung hindi naman lalabag dito, nagboboluntaryo akong mabakunahan ng Sinovac. Ito ay para ipakita sa publiko ang ating suporta sa isinasagawang vaccination program,” ani Gatchalian matapos ang ginanap na makasaysayang vaccine rollout sa mga referral hospital sa Kamaynilaan.

Sinabi pa ni Gatchalian na bago pa sinimulan ang vaccination program nitong Lunes ay naiparating na nya mismo kay National Policy Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. ang kagustuhan nyang maging bahagi nito para na rin mabawasan ang pag-aalinlangan ng mga ayaw magpabakuna.

Ito rin ay para pabulaanan ang mga haka-haka na may mga politikong gustong gumamit ng mas kilalang brand at may efficacy rate na mas mataas sa CoronaVac, ani Gatchalian.

“Ang mas importante para sa akin ay ang seal of approval ng Food and Drug Administration (FDA). Kung ito’y aprubado ng FDA, makasisiguro tayo na ito’y dumaan sa masusing pag-aanalisa nila bago nila binigyan ng authorization for emergency use. So, okay na sa akin ang ganun. Okay ako kahit anong brand ng anti-COVID-19 vaccine. Hindi ako brand conscious. NagtitiwaIa ako sa FDA,” paliwanag ng senador.

Naunang napaulat na hindi nirerekomenda ng FDA ang paggamit ng CoronVac sa mga health workers dahil ang efficacy rate nito sa mga medical frontliners ay aabot lamang sa 50.4 porsyento samantalang aabot sa 64 porsyento hanggang 91 porsyento naman ang efficacy rate sa mga taong may malusog na pangangatawan at nasa edad na 18 hanggang 59. Nauna na ring sinabi ng FDA na hindi ito rekomendado sa mga ssnior citizens.

Bago sinimulan noong Lunes ang immunization drive, lumabas sa survey na isinagawa ng Octa Research Group noong Enero 26 hanggang Pebrero 1, 2021 na nasa 19 porsyento lamang ng mga Pilipino ang payag magpabakuna samantalang 46 porsyento ang di sang-ayon, at 35 poryento ang wala pang pasya sa bagay na ito.

Ngunit naniniwala si Gatchalian na madadagdagan sa mga darating na araw ang bilang ng mga tatanggap ng bakunang CoronaVac.

“Maraming hesitant kasi bago itong vaccine. Kaya importante dito ang confidence building na dapat pangunahan ng mga opisyal ng gobyerno, well-known personalities at kahit na elected officials kagaya ng ginawa ni Indonesian President Joko Widodo at Hong Kong Chief Executive Carrie Lam,” ang sabi pa ng senador. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments