Tagalog News: ‘Palakasan system’ huwag pairalin ng LGUs sa rollout ng bakuna -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

CALOOCAN CITY, March 31 (PIA) -- Nanawagan si Senator Win Gatchalian ngayong araw sa mga lokal na opisyal na huwag pairalin ang palakasan system at siguruhin muna ang pagbakuna ng mga health care workers, senior citizens at persons with comorbidities.

Ani Gatchalian, sana’y hindi na tularan pa ng ibang local government units (LGUs) ang mga napabalitang mga opisyal ng gobyerno at artista na nauna nang nagpabakuna kaysa sa mga nasa priority list ng vaccination program ng pamahalaan.

“Nauunawaan ko ang papel na ginagampanan ng mga lokal na opisyal. Ako man ay may mga kamag-anak na naninilbihan sa local level ngunit sa panahon ng pandemya, mas kailangan natin ang mga health care workers,” paliwanag ni Gatchalian.

“Sakaling magkasakit o mabawasan ang mga medical frontliners, mapipilayan tayo. Hindi naman pwedeng gumamot ang mga mayors at governors kung nabigyan na sila ng bakuna,” dagdag pa ng senador.

Ipinunto ni Gatchalian kung gaano ka sensitibo ang kasalukuyang sitwasyon kung saan ang limitadong suplay ng bakuna ay pinalala pa ng tumataas na bilang ng mga bagong kaso ng nagka-COVID-19 kaya’t importante na ang nasa prayoridad ng vaccination program ay masunod.

Ayon sa senador, nasa 1.5 milyon ang bilang ng medical frontliners sa buong bansa na kailangang mabakunahan sa lalong madaling panahon at batay sa pagtatala, noong March 23, 2021 ay umaabot pa lang sa 508,332 ang kabuuang bilang ng mga nabigyan ng unang dose ng bakuna sa kanilang hanay.

Mula sa naunang kategoryang B3 na kinabibilangan ng iba pang essential workers, inanunsyo kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Malacanang na itinaas na sa kategoryang A4 ang mga governors, mayors at barangay captains kasama ng iba pang grupo ng frontline personnel katulad ng mga uniformed personnel na ayon sa IATF ay may mahalagang ginagampanan tuwing may mahigpit na quarantine tulad ng ECQ.

Sa pagtatala ng DILG, nasa 1,715 ang bilang ng mga governors at mayors sa buong bansa samantalang nasa 42,046 ang bilang ng mga barangay captains na kasama na sa A4 classification.

“Pagdating naman ng July, pag dumagsa na yung vaccines, kahit mauna na yung mga mayor, governors, at barangay leaders. Palakasan kasi ang nangyayari dito sa atin. Habang kulang pa ang suplay ng bakuna, unahin na muna natin ang medical frontliners,” pagtatapos ni Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments