Tagalog News: Mga pasahero galing India, pagbabawalang pumasok ng bansa

NAIA Passenger Terminal (Ibinahaging kuha)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 28 (PIA) -- Simula ala-una ng umaga ng ika-29 ng Abril hanggang ika-14 ng Mayo, 2021, bawal nang pumasok ng bansa ang mga pasaherong galing India dahil sa sobrang taas na bilang ng COVID-19 infection sa naturang bansa.

Kasama na rin sa pinagbabawalan ang mga mamamayang Filipino mula sa India simula sa Huwebes.

Ito ang inihayag kagabi, ika-27 ng Abril ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na pinakabagong kautusan mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Aniya, inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng IATF na iban ang lahat ng pasahero galing India kasama ang mga Filipino.

Ang ban ay magiging epektibo mula ala una ng Abril 29 hanggang Mayo 14 ,2021.

Ang mga nanggaling mula India sa loob ng 14 na araw bago ang Abril 29 ay kailangang sumailalim ng absolute quarantine na 14 na araw kahit negatibo ang kanilang resulta sa RT-PCR test.

Dagdag ni Roque, ang mga restriksyon ng mga pasahero na galing sa ibang bansa na mayroon na ring variant galing India ay maaari ring ipatupad ng Office of the President upon recommendation ng Department of Health (DOH) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala, itinalaga ang Department of Transportation (DOTr) na seguruhing hindi magsasakay ang mga airlines ng pasaherong sakop ng ban. Ang bagong kautusan na ito ay dahil sa “record high” na kaso ng COVID-19 doon na umabot ng 323,144 sa loob lamang ng nakalipas na 24 oras. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments