Tagalog News: ‘Sagot-for-sale’ tuloy pa rin; distance cheating sugpuin -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 3 (PIA) -- Binigyang-diin ni Senator Win Gatchalian na dapat paigtingin ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at ng mga paaralan ang kanilang pag-iimbestiga at pagsugpo sa ano mang uri ng distance cheating, sa kabila ng patuloy na paglaganap ng “sagot-for-sale” sa ilalim ng distance learning.

Sa ilalim ng sagot-for-sale, may mga magulang na nagbabayad ng ibang tao upang sagutan ang modules ng kanilang mga anak. Ayon sa ilang mga ulat, may mga mag-aaral at mga magulang na nag-aalok ng kanilang serbisyong sagutan o gawin ang requirements ng ibang mga mag-aaral sa halagang P150 hanggang P500 piso. Kabilang sa mga requirements na ito ang mga modules, mga research papers, mga essays, at kung minsan ay video editing. Binabayaran ang mga naturang requirements sa pamamagitan ng online banking o virtual wallets.

Ayon sa mga ulat, ang mga nagpapagawa ng kanilang mga requirements ay kadalasang nagmumula sa junior high school, senior high school, at mga taga kolehiyo. Minsan ay ginagamitan pa ng mga hashtags tulad ng  #AcademicCommission, #AcademicWriting, at #AcademicService.

Para sa mga mag-aaral na gumagawa ng mga academic requirements na ito, ang kinikita nila ay ginagamit na pantustos sa mga pangangailangan sa pag-aaral sa tahanan. Para naman sa mga magulang na nag-aalok ng kanilang serbisyo, ang kanilang kinikita ay ginagamit na pantustos sa pang-araw araw na pangangailangan.

Ngunit babala ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, bukod sa kukulangin ang mga mag-aaral ng kaalaman at kahusayan kung papayagang magpatuloy ang iskemang sagot-for-sale, magdudulot din ito aniya ng kawalan ng integridad ng mga mag-aaral.

“Kung hindi natin wawakasan itong sagot for sale at iba pang anyo ng pandaraya sa distance learning, lalong hindi matututo ang mga mag-aaral. At kapag nalusutan nila ito sa unang pagkakataon, uulit-ulitin na nila ang ganitong pandaraya. Dekalidad na edukasyon ang nakasalalay dito,” ani Gatchalian.

“Ang layunin natin sa pagpapatuloy ng edukasyon ay matiyak na ang ating mga kabataan ay hindi lamang natututo. Hinuhubog din natin sila para maging matapat, mahusay, at mapagkakatiwalaan,” dagdag na pahayag ng senador.

Maliban sa pag-imbestiga sa mga insidenteng ito, binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapaigting sa kakayahan ng mga guro na masuri o matukoy ang anumang uri ng pandaraya pagdating sa academic requirements ng kanilang mga estudyante. Dagdag pa ng mambabatas, dapat maging prayoridad ang investment sa mga “assessment technology” upang maiwasan ang pandaraya sa digital education. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments