Tagalog News: Mas maraming bakuna kaysa babakunahan sa Makati -Mayor Binay

Makati Mayor Abby Binay (PIA NCR file)

LUNGSOD PASIG, Mayo 12 (PIA) -- Inilahad ngayong araw ni Mayor Abby Binay na ang Lungsod Makati ay mayroong higit pang mga bakuna kaysa sa mga babakunahan, kasabay ng paghikayat sa mga residente na magparehistro para vaccine rollout kontra COVID-19.

Hinimok ni Mayor Abby ang mga residente ng Makati na magparehistro para sa pagbabakuna dahil ang lungsod ngayon ay mayroong higit pang mga bakuna sa COVID kaysa sa mga taong tatanggap nito.

Sinabi ni Binay na nahaharap siya sa isang "magandang problema sa supply ng bakuna sa lungsod.

“May problema ako, na magandang problema dahil marami akong bakuna,” ani Binay.

“Ako’y nakikiusap sa aming mga kababayan dito sa Makati na magrehistro na dahil ang dami ng ating bakunang dumating ngayong araw na ito,” dagdag pa niya.

Sinabi ng alkalde na malamang naghihintay ang mga residente para sa brand ng vaccine na nais nila kaya't hindi pa sila nagparehistro.

Ani Binay, nakatanggap ang lungsod ng 20,000 dosis ng AstraZeneca, at 5,800 na dosis ng Pfizer mula sa pambansang pamahalaan.

“Kailangan ko po magbakuna ng 2,500 for Pfizer. Almost 10,000 for AstraZeneca. Ang backlog ko po wala ng 2,000,” aniya.

Samantala, sinimulan na ng lungsod ang pag-inoculate ng mga residente nito ng pangalawang dosis ng mga bakunang COVID-19. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments