LUNGSOD PASIG, Mayo 14 (PIA) -- Nagbabala ngayong araw ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko kontra mga fixer at scammer kaugnay ng pagrehistro para sa aplikasyon ng National ID o PhilID.
“Mariin po naming pinapaalala sa lahat na mag-ingat at umiwas sa mga FIXERS at SCAMMERS, na humihingi ng bayad kapalit ang pagrerehistro sa inyo sa PhilSys.”
“LIBRE po ang buong proseso ng pagpapa-rehistro sa PhilSys. WALA rin pong DELIVERY FEE na hihingin ang PHLPost, na siyang opisyal na magpapadala sa inyong mga tahanan ng inyong PhilID.”
Ayon sa PSA, maaaring personal na sumailalim sa PhilSys registration upang makaiwas sa scam.
Gayundin, hinikayat ng ahensya ang publiko na i-report ang mga scammers at fixers.
“Hinihimok din po namin ang publiko na i-report ang mga scammers at fixers na naniningil kaugnay sa pagpaparehistro sa PhilSys sa pamamagitan ng pag-email sa info@philsys.gov.ph, o kaya ay mag-mensahe sa aming official Facebook page sa m.me/PSAPhilSysOfficial. Maaari rin po kayong makipag-ugnayan sa Provincial Statistics Office sa inyong lugar.”
Paalala rin ng PSA na ang ‘di otorisadong pag-issue at paggamit ng PhilID ay may karampatang parusa na tatlo hanggang anim na taong pagkakakulong, at multang isa hanggang tatlong milyong piso (P1,000,000 hanggang P3,000,000) ayon sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng R.A. No. 11055, o Philippine Identification System Act. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments